Thursday, May 20, 2010

May Likha

Hinubog ng pluma niyang pangahas
Dinikta ang itatakbo ng istorya hanggang wakas
Mga tauhan niyang biniyayaan ng kakaibang katauhan
Binigyan ng puso para makapag isip at makaramdam

Siya itong lumikha ng mga tauhan
Upang gisingin ang natutulog nating kamalayan
Nagsakripisyo ng katauhan sa kanyang mga obra
Upang maihayag ang kabuktutan ng sistema

Kaunting sakripisyo para sa kamulatan
Limutin panandalian mga pansariling kagustuhan
Sa bawat letra, istorya, kabanata ng kanyang nobela
Ay sisibol ang isang bagong pag asa tungo sa kalayaan.

Monday, April 19, 2010

^^

Sa paglipas ng mahabang panahon, bakas pa rin sa kanyang mukha ang masasayang alaalang naipon sa nakaraan. Ang mga puting buhok niya ay tila mga mumunting tropeyo mula sa isang patimpalak ng kahapon. Habang isinasalay niya sa akin ang bawat detalye kung paano sila nagkatuluyan ni Nanay, naisip ko, may ganyang kuwento din kayang mauukit sa kasaysayan ng buhay ko, na masaya ko ring maikukuwento sa mga magiging apo ko pagtanda ng magandang mukhang meron ako?

Sunday, January 31, 2010

Ayaw ko sa Pag-ibig

Ayaw ko sa pag ibig
Kung ito ay parang alak.
Na gugustuhin habang lasing,
Kakalimutan kapag nagising.

Ayaw ko sa pag ibig kung ito ay lasang red horse.
May tapang habang kapiling,
Sumisipa kung masaling,
Umiiyak pagkagising.

Ayaw ko sa pag-ibig kung ito ay amoy emperador.
Mabango at masarap sa umpisa,
Tila hindi ka masusuka,
Pero bukas nakahiga ka pa.

Ayaw ko sa pag ibig kung ito ay mukhang tequila.
Maganda sa paningin,
Sosyal ang dating,
Init at pawis ang aanihin.

Ayaw ko sa pag ibig kung hindi rin lang tila gin.
Lasa’y ramdam ng buong katawan,
Espiritu abot sa kamalayan,
Hindi makakalimutan hangover lumipas man.

Friday, December 18, 2009

Para sa mga nagugulumihanan.. :)

Para sa mga taong nanliligaw,
nagba-balak manligaw, nililigawan,
nali-ligaw, nag-ii ntay maligawan at
nagbabalak lumagay sa magulo.

Ang LOVE ay hindi
minamadali. Hindi pinipilit. At lalong hindi kina-career. aray ko! :))

Unang-una..

PAANO MO BA NASABING MAHAL MO NA SIYA?
Dahil ba natutuwa ka sa kanya?
o kaya naman naaaliw ka?
naswee-sweetan ka ba ng sobra sa kanya?
kinikilig ka ba pag nakikita mo siya?
at nahi-high kapag naririnig mo na ang
boses niya?

Eh teka muna..
baka naman infatuated ka lang?
o kaya naman kagaya nga ng sagot mo,
baka naaaliw ka lang?
Dahil kakaiba siya...
may spark na hindi mo maintindihan.
tsk!!!...ang saklap nyan!...

Pangalawa...

GAANO MO NA BA SIYA KAKILALA?
Madali ba siyang mapikon?
pano ba siya mabadtrip?
madali bang mahalata na may topak siya?
ano bang suot niya pag nasa bahay siya?
shorts ba o pantalon?
na kasando ba siya o naka-t-shirt lang?
matagal ba siyang maligo?
kumakain ba siya ng vegetables?
tamad ba siya?
mas gusto ba niyang manood ng tv kaysa magbasa ng libro?
nagpe -play station ba siya?
tatlo ba ang pamangkin niyang lalaki?
makukulit ba yung mga kamag-anak niya?
green ba ang kulay ng gate ng bahay nila?
sa village ba siya nakatira?.
may sakayan ba ng jeep na malapit sa kanila?
nagsisimba ba siya linggo-linggo?
kasama ba yung pamilya niya?
at nagdadasal ba siya bago matulog?


In short...
alam mo na nga ba?
ang mga bagay-bagay..
ang mga simpleng bagay tungkol sa
kanya.
na nagdedetermine ng sarili niya...
as in kung sino ba talaga SIYA...


Pangatlo...
KAYA MO BA SIYANG TANGGAPIN?

as in TANGGAPIN ng buong-buo,
sa lahat ng trip niya sa buhay,
sa lahat ng katopakan niya,
sa lahat ng pag-iinarte at pag-dadrama niya,
sa lahat ng kasalanang nagawa, ginawa,
at gagawin pa lang niya.
sa lahat ng naiisip niya...
sa lahat ng sasabihin niya.
sa kilos niya..
sa pananamit pa pala niya.
sa pagsasalita.
sa pananaw niya sa buhay.
sa pagtrato niya sa tao.
sa lifestyle niya.
sa uri ng pamilyang meron siya.
sa uri ng kaibigang kasa-kasama niya...
sa style niya pagdating sa love...
sa kasweetan niyang natural...
sa paglalambing niya...
sa tawa niyang pagkalakas-lakas..
sa manners niya...
sa bisyo niya kung meron man...
sa mga pang-aasar niya sayo...
sa style niya pagdating sa pagsolve ng problema.
sa problemang maaari ka ring masama.

Pang-apat..

KAYA MO BANG MAGING TOTOO?
kaya mo bang makita yung sarili mo.
na kasama pa rin siya?
sa isang sitwasyong pag naisip mo eh,
mapapaiyak ka na lang sa sakit.
nang dahil din sa kanya?

kaya mo bang magmukhang tange?
as in umiyak ng dahil sa kababawan?
ibuhos ang mga nararamdaman mo?
kahit na puro kababawan nga lang naman?
as in kahit sa harapan niya?

kaya mo bang maging barubal pag kasama mo siya?
yung tipo bang wala ka ng pakielam.
mawala man ang manners mo?
na wala ka naman talaga?


In short...


KAYA MO BANG MAGING IKAW KAPAG KASAMA
MO NA
SIYA???


yung tipong hindi ka nahihiyang
ipakita kung sino ka talaga.


dahil alam mong...

HINDI MO LANG SIYA TANGGAP...
TANGGAP KA RIN NIYA...
BUONG-BUO RIN...


MGA PEOPLE!!!...
tama na kasi ang trip...
tama na ang pagmamadali...
Oo , masarap ngang ma-involved sa isang tao.
pero di ba mas masarap yun...


LALO NA KUNG ALAM MONG TOTOO YUNG
NARARAMDAMAN MO....


kaya dapat, hinde tayo nagpapa-bulag sa
akala nating LOVE. mag antay na
lang tayo. wag natin unahan


For all we know, hindi pa pala siya ang
para sa atin.



Pero pag nasagot mo lahat ng nasa
taas....
Baka nga. MAHAL mo na siya! :>

Thursday, November 19, 2009

Ouch...

Ikaw.
Tila panaginip na hindi maabot
Ngunit pilit akong nakikisuksok
Para bagay na tayo.

Ako.
Tila surot na di pansin
Pilit kinukurot puso mong manhid
Pilit ding tinitiris ng kuko mong matatalim.

Tayo.
Tila tubig at langis na di magsasama.
Makakawala pa kaya,
Kung puso ko ay nabihag mo na?

Wednesday, September 23, 2009

Modernong Pluma

Mula sa Batong Panulat
Maging sa Balahibong panlimbag ng aklat
Naging Bolpeng mamahalin at may tatak
Ngunit ang gamit diwa, hindi nag iba.

Modernong Pluma, nag iba na ngang anyo
Nanatiling katuwang ng ating prinsipyo
Gamit sa pagtutuos, libro ng negosyo
Maaari ring panaksak sa kaklase mong magulo.

Ano ang buhay kung wala ang pluma?
Makulay pa kaya ang mundo ng literatura?
Maimbento pa kaya ang mga makinilya?
May blogspot pa ba tayong mababasa?

Kaunting Silip sa Kakaunting Ako

Nasubukan mo na bang itanong sa iyong sarili kung anong klaseng buhay meron ka kung hindi mo buhay ang buhay na meron ka sa ngayon? Sa araw-araw kasing gumigising ako, yan ang palaging iniisip ko. Madalas kong itanong sa aking sarili kung ano kaya ako kung hindi ako ito? Ano kaya ang magiging pangalan ko? Mayaman kaya ang mga magulang ko? Mapapasama kaya ako sa Top 100 Sexiest Woment ng FHM? Magiging akin na kaya yung lalaking pinapangarap ko na hindi ko makuha sa kasalukuyan? Ano kaya kung naging ibon ako, masaya kaya?

Madami akong tanong na hindi aakalain ninuman na tinatanong ko. Palibhasa lahat ng ito ay nasa isip ko lamang. wala lang trip ko lang. Siguro habang binabasa mo to iisipin mong nasisiraan na 'ko ng ulo. Yaan mo, pareho lang tayo ng iniisip, iniisip ko rin kasi na baka nawawala na ako sa tamang pag-iisip. Pero ano nga ba ang basehan ng tamang pag-iisip? Kapag nag-isip ba ko ng kakaiba higit sa iniisip ng nakararami, ako ba'y wala nang sariling bait? O sadyang minahal ko lamang ang pluma kaya ganito ang takbo ng aking sarili?

Noong ako'y bata pa lamang, ayaw na ayaw ko ang magsulat. Sinanay nila ako sa kanan ngunit sa bandang huli ay natuto sa kaliwa. Kinahig ng manok, yan ang bansag ng nanay ko sa sulat ko. Yung bang "penmanship". Halos isumpa ko ang pagsusulat noong ako'y bata pa. Madalas kong itakwil si Mongol, si Lotus, at si HBW. Ayoko ng Lapis. Ayoko ng Papel. Ang lapis ay panusok sa mata ng kaklaseng makulit. Ang papel ay pamahid sa natapong sopas sa desk. Yan. Yan ang gamit nila sa akin.

Noong mga unang araw ko sa hayskul, doon sa hagdanan, sa pasilyo ang nagsilbing tanglawan ng karunungan namin. Ang pagtingin ko sa lapis, bolpen at papel ay hindi nagbago. Ang lapis ay panusok sa mata ng kaklaseng makulit. Ang papel ay sapin ng sahig na kulang sa linis. Ang bolpen ay panipsip ng sopas na mainit. Ang sulat ko'y nanatiling magulo't parang kinahig. Ngunit ang lahat ng ito'y unti-unting nagbago simula nang dumating si "Gerlie".

Si Gerlie ang pinuno ng mga artista. Madalas kung siya'y magpatawa ngunit kung magalit ay bumubuka ang lupa upang lamunin ang kanyang mga isinumpa. Siya na naging susi, upang magising ang natutulog kong damdamin sa pagsusulat. Siya na nagtiyagang basahin ang sinulat kong parang kinahig. Siya na nakakitaan ako diumano ng galing na dapat lamang paghusayin. Maraming aral na naiambag sa'kin si Gerlie. Siya na nagsulat ng malaking PUTANGINA sa pisara, upang imulat kaming mga bata sa di magagandang dulot ng salitang ito sa lipunan. Ewan ko lang kung naaalala pa niya ko hanggang ngayon. Pero mahal ko itong si Gerlie. At ang alaala niya'y maiiiwan sa aking diwa habambuhay. Hangga't may lapis na natatasahan. Hangga't may bolpeng tumitinta.

Isang kuwadernong nagsilbing munti kong tahanan. Sulatan ng aking saya at kalungkutan. Sa loob ng isa't kalahating taon ko rin itong nakasama. Ngunit dahil sa isang pangyayaring di ko inaasahan, munti kong tahanan tila yata napabayaan.

Kasabay ng aking pagsulat ay ang pag-usbong ng aking pag-ibig sa unang pagkakataon (wee sobrang cheesy!). Ang madalas mag-isang si ako ay unti-unting sumasaya nang palihim at todo-todo. Bumuo ng mga pangarap sa likod ng mga sulat sa kuwaderno. Mas lalo pang tumindi ang pangarap na iyon nang malaman kong kami na pala ng perslab ko. Malayo man siya, pilit kaming pinaglalapit ng makabagong kagamitang 30 pesos kada oras ang renta limang taon bago ngayon.

Ang bawat salitang nabubuo ko sa kuwaderno, mas nalagyan ng kulay dahil kay Gerlie at sa perslab na iyon. Tandang-tanda ko pa noong makabuo ako ng unang tula hinggil sa pag-ibig na nabasa ng kaklase ko at binasa niya sa buong klase, walang paglagyan ang hiyang naramdaman ko na kulang na lamang ay lumubog ako mula sa kinauupuan ko. Pero ayos lang naman ang lahat. Dahil dun, kinuha akong Prodyuser ni Gerlie ng aming dula sa halip na manunulat. Ayon sa kanya, ako dapat ang mamuno ng kuwento. Nakakagulat ang mga pangyayari, pero inisip kong kaya ko iyong gampanan nang mabuti dahil si Perslab ay nakasuporta sa akin. Nakakatuwa ang pinagdaanan namin habang binubuo ang dulang iyon. pero hindi pa rin maalis sa diwa ko hanggang ngayon na gusto ko pa ring tusukin ng lapis yung kaklase kong nagkalat ng pribadong sulat ko.

Ngunit kagaya ng bulaklak na sa katagala'y nalalanta, kagaya ng sa magandang mukha sa sa paglipas ng panahon ay tumatanda, si perslab ay unti-unting nag-iba. Ang dating masaya naming pag-uusap ay nawalan na ng sigla. Ang dating mainit naming talakayan hinggil sa usapin ng Ragnarok ay nanlamig na lamang na parang sa Alaska. Akala ko'y ayos pa rin ang lahat sa pagitan naming dalawa. Pero ganun na lamang ang aking pagkawindang nang malaman ko ang katotohanan. Si Perslab ay ikinasal na pala. Kailanma'y hindi na kami para sa isa't-isa.

Sa unang pagkakataon nakaramdam ako ng kakaibang kirot sa aking damdamin. Kakaiba sa kirot dulot ng bolpeng itinutusok din sa'kin ng kaklase kong makulit. Pakiramdam ko guguho ang mundong aking ginagalawan. Nandoong nakaramdam ako ng galit, poot, at pagnanasang sana'y panaginip lamang ang lahat at magigising rin ako.

Kasabay ng pagkasira ng relasyong aking iningatan ay ang pagkasira na rin ng munting mundo ko sa kuwadernong aking ginawa. Doon, aking sinabi sa aking sarili na HINDING-HINDI NA 'KO MAGSUSULAT. Kuwadernong puno ng pangarap at malikhaing sulat ay pinalamon ko sa apoy. Magsisimula ako ng panibagong buhay. Walang saya, walang problema, walang pagsusulat.

Nagpatuloy ang aking buhay nang hindi nagsusulat. Ang mga aral ni Gerlie ay panandalian kong tinago sa kadulu-duluhan ng aking isipan. Sa bawat paglipas ng oras natuto akong maging matapang. Walang takot kaninuman, at makipag-laro ng apoy kaninuman. Limang taon ang lumipas na ako'y nabuhay nang walang pagsusulat. Ngunit ang pagtawag sa akin ng pagsusulat, tila yata lumalakas nang lumalakas sa aking pandama.

Heto ako ngayon, muling nagbabalik sa mundong dati ko nang itinakwil. Pilit babawi sa mga pagkukulang ko dati. Hanggang ngayon akin pa ring iniisip, ano kaya ako kung hindi ako nagsulat dati? Magiging ako kaya ang ako sa kasalukuyan kung hindi ako nasaktan? Marami pa rin akong tanong na sa aking palagay hindi na kakailanganin pa ng sagot. Dahil ang mga tanong na ito ang nagpapakumpleto sa aking pagkatao. Mga tanong na mananatiling tanong, para mapanatiling mahiwaga ang mundo ko.

At sa muli kong pagsabak sa mundong gamit ay pluma, panibagong mga tanong na naman ang umuusbong sa aking diwa:

Ano kayang mangyayari kay ako sa hinaharap? Tatanggapin ba ko ng mundong minsan kong tinakwil dahil sa masakit na pangyayari? O itatakwil niya rin ako tulad ng ginawa ko sa kanya dati?